MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

13 Oktubre 2021

Isang balidasyon at konsultasyon ang isinagawa ng PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) noong ika-11 ng Oktubre kaugnay ng isang kaso ng demolisyon at ebiksyon sa Sta. Maria, Bulacan na kung saan ay may apat na pamilya ang maaapektuhan.

Ani PCUP Chairman at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano, mas maigting na pagmomonitor sa mga kaso ng demolisyon at ebiksyon sa bansa ang ipinapatupad ngayon ng Komisyon nang sa gayon ay masiguro na walang sinuman sa mga maralitang tagalungsod ang matatapakan ang mga karapatan lalo na sa usapin ng paninirahan.

Dito ay personal na tinungo ni PCUP Luzon Area Coordinator, Mr. Ju-Arthur D. Celiz ang mga apektadong pamilya upang ipaliwanag ang gampanin ng PCUP sa pagsasagawa ng Pre-Demolition Conference (PDC) bago pa man ang pagpapatupad ng anumang demolisyon at ebiksyon na kinasasangkutan ng mga underprivileged and homeless citizen. Ito ay alinsunod sa isinasaad ng Urban Development and Housing Act of 1992 (UDHA) o Republic Act 7279.

Nauna nang nakipag-ugnayan ang Komisyon sa Lokal na Pamahalaan ng Sta. Maria, Bulacan upang kumpirmahin ang socio-economic profile ng apektadong pamilya kung pasok ba ito sa kwalipikasyon bilang underprivileged and homeless. Kasabay nito, tinukoy na rin ng Komisyon ang posibleng tulong na maaaring maiabot ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya. ###

via | PCUP Luzon