14 Oktubre 2021

Binisita ng PCUP - Field Operations Division for Luzon (FODL) ang Barangay Pasong Bangcal, San Ildefonso, Bulacan kahapon, ika-12 ng Oktubre upang magsagawa ng balidasyon at konsultasyon sa mga pamilyang maaapektuhan ng pagpapaalis dahil sa utos ng korte hingil sa kasong sibil.

Ang hakbang na ito, ayon kay PCUP Chairman at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano ay may layuning mas paigtingin ang pagmomonitor sa mga kaso ng ebiksyon at demolisyon sa bansa lalo na’t kung maralitang tagalungsod ang apektado.

Sa pakikipagpanayam ni Mr. Ju-Arthur D. Celiz, PCUP Luzon sa mga apektado, kanyang ibinahagi ang proseso ng ebiksyon at demolisyon alinsunod sa mga nilalaman ng RA 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992. Dito ay ipinaliwanag ni Mr. Celiz na kung mapapatunayang homeless o underprivileged ang mga apektado, nangangailangan itong sumalilalim sa isang Pre-Demolition Conference (PDC) upang masiguro ang kanilang kapakanan at karapatan sa relokasyon o tulong pinansyal na naaayon sa batas.

Bago pa man ito ay nauna nang nakipag-ugnayan ang Komisyon sa Lokal na Pamahalaan ng San Ildefonso upang magsagawa ng Socio-Economic Profiling sa mga apektado. ###

via | PCUP Luzon