1BE7A7EB 189D 4A29 A76C FE366B53BB52

14 Oktubre 2021

Surigao del Norte - Upang mabigyan ng kaalaman at kasanayan ang maralitang sektor hinggil sa mga bagay na makatutulong sa pagpapaunlad ng kanilang samahan, isang “Organizational Management and Procedure with Gender and Development Mainstreaming” ang isinagawa ng PCUP – Field Operations Division for Mindanao (FODM) para sa mga lider at miyembro ng Anao-aon Settlers Homeowners Association nitong ika-13 ng Oktubre sa bayan ng San Francisco Anao-aon, Surigao del Norte.

Ito ay bahagi ng Capability Building Program (CBP) ng Komisyon, sa ilalim ng pamumuno ni PCUP Chairman at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano na may layuning mabigyan ng kaalaman ang sektor ng mahihirap ukol sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang pag-unlad.

Naging tagapagsalita sa nasabing aktibidad si Ms. Mercedita B. Narciso—PCUP Mindanao Area Coordinator kung saan tinalakay niya ang mga paksa na may kinalaman sa epektibong pamamalakad ng isang organisasyon, pakikilahok ng mga kasapi sa paggawa ng desisyon, paglutas ng mga suliranin, at mga proseso ng pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto. Binigyan din niya ang mga kalahok ng mga aktibidad na may kinalaman sa “Team Building”.

Ang nasabing programa ay pinangasiwaan ni Ms. Rachelle Lou A. Nasa—PCUP Mindanao Area Coordinator na siya ring nagbigay paliwanang tungkol sa paksang “Gender and Development”.


Pagkatapos ng pagsasanay ay nakatanggap naman ang 39 kalahok ng mga COVID-19 Protection Kits mula sa PCUP. ###

via | PCUP Mindanao