Matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Magna Carta of the Poor, nagpahayag si Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson / CEO Alvin Feliciano ukol sa pagpapaigting ng mga programa ng nasabing ahensya alinsunod sa bagong batas.

Ayon kay Feliciano, "pag-iibayuhin pa natin ang pagbibigay ng direktang serbisyo bilang ahensyang nangangalaga sa interes ng mga maralitang taga-lungsod."

Sa ngayon, ang PCUP ay mayroong 3 priority programs na PCUP Caravan, Adopt-a-Community at Urban Poor Privilege Card, na ibinababa ang direktang serbisyo ng gobyerno sa urban poor areas sa buong bansa.

Nais ni Chairperson Feliciano na patibayin ang polisiya ng 3 priority programs at mapabilang ito sa anti-poverty measures na bubuuin sa ilalim ng National Poverty Reduction Plan (NDRP) ng magna carta.

"Nakikita namin na mas marami pang tao ang makikinabang sa priority programs na tutugon sa basic needs ng mahihirap kapag napasama ang mga ito sa poverty reduction plan," ani Feliciano.

Ayon sa datos ng nasabing ahensya, mahigit 24,000 katao na ang nakinabang sa whole-of-government services ng Caravan simula Pebrero at magsasagawa pa nito sa 33 urban poor areas hanggang matapos ang taon.

Ang Caravan ay nagbibigay ng pinagsama-samang health and wellness services, livelihood and employment opportunities, access sa land and housing, at social protection services mula sa iba't ibang government agencies habang ang dalawang priority programs naman ay isinasapinal pa ng Komisyon.

Bukod dito, ipagpapatuloy ng ahensya ang pagtutukoy sa mga pinakaabang lugar upang mabigyan ng mga serbisyo at pag-lobby ng karapatan ng maralita na apektado ng demolisyon at ebiksyon na talamak sa sektor. # # #