MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Sa tanang buhay ni Lola Francing, edad 96, abot-kamay na niya ang kanyang kauna-unahang birth certificate nang dahil sa isinagawang serbisyo Caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa Barangay Dahican, Mati City noong Marso 29.

Naiproseso ni Lola Francisca Bulusan Embalsado sa tulong ng lokal na Philippine Statistics Authority (PSA) ang kanyang late registration of birth bilang patunay na malapit na siyang umabot ng 100 taong gulang.

Isa si Lola Francing sa mahigit-kumulang 1,500 na katao na natulungan ng PCUP at PSA na magsaayos ng kanilang birth certificate sa siyam na serbisyo Caravan nito sa buong bansa.

Naisipan ng kanyang pamilya na asikasuhin ang birth certificate ni Lola dahil nalalapit na ang ika-100 taong kaarawan nito at maaari pa siyang mabigyan ng incentive ng pamahalaan na P100, 000.00 sa mga taong aabot sa nasabing edad.

Ayon sa kanyang anak na si Naria Lariba, simula pa noong 1923, wala siyang kahit anong dokumento na magpapatunay ng kanyang kapanganakan at hindi rin lubos maunawan ni Lola Francing ang kahalagahan ng pagkakaroon ng nasabing sertipikasyon.

Dagdag pa nito, hindi na rin nagkaroon ng pagkakataon na matutong bumasa at sumulat si Lola Francing at si Lolo Paterno dahil sa hirap ng buhay at ito'y naging isa sa mga dahilan kung bakit hindi naasikaso ni Lola ang kanyang dokumento.

Tubong Leyte si Lola Francing at nanirahan sa Davao Oriental noong 1960. Sa mga panahong iyon, hindi naisipan ng matanda na mag-ayos ng birth certificate hanggang sa maglao'y tumira at nanatili na ang kanyang pamilya sa Mati City.

Hirap nang magsalita si Lola Francing ngunit bakas sa kanyang mukha ang saya at pasasalamat dahil inilapit na sa kanilang lugar ang iba't ibang serbisyo ng gobyerno kabilang na ang pagproseso ng kanyang birth certificate.