Patok na patok ang libreng konsultasyon sa mata at reading glasses na handog ng serbisyo Caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) noong Mayo 31 sa Monkayo, Compostela Valley.

Sa tinatayang 2,800 kataong dumalo na nasabing programa, mahigit 500 rito ang nakinabang sa eye services mula sa partner nitong pribadong kumpanya na Eye Power Nabunturan, Inc. at Ideal Vision, Inc.

Ayon kay PCUP Chairperson / CEO Alvin Feliciano, "hindi tayo limitado sa paglalapit ng serbisyo ng gobyerno sa tao kundi maging mga pribadong kumpanya na gustong magbigay ng serbisyo, ilalapit rin natin sa mga kapuspalad."

Ang lokal na kumpanya na Eye Power Nabunturan at Ideal Vision ay ilan lamang sa mga kumpanyang naghahatid ng libreng serbisyo sa taumbayan kada Caravan.

Sa ngayon, nakikipagpartner ang PCUP sa malalaking korporasyon sa bansa upang igtingin ang serbisyo na hatid ng Caravan at ng dalawa pa nitong priority programs na Adopt-an-Urban Poor Community at Urban Poor Privilege Card.

Bukod dito, nagkaroon ng medical at dental check-up ang DOH, Provincial at Municipal Health Office, Philippine Army, Coast Guard, Philippine National Red Cross at Barangay Poblacion Health Workers na may kasamang libreng gamot mula sa PCSO at PAGCOR; scholarship at enrollment mula sa CHED at TESDA; at local at international job employment mula sa PESO.

Nagpahatid rin ang DTI, DAR at DA ng pangpuhunan at livelihood opportunities;  PSA at LTO sa pagpoproseso ng mga dokumento; libreng payong legal mula sa PAO; oryentasyon sa 4ps at ibang serbisyo mula sa DSWD; help desk ng OWWA, SSS, Philhealth, DOLE at electric company na DANECO; at, libreng gupit at masahe mula sa mga sundalo at TESDA.

Ang susunod na PCUP Caravan ay gaganapin sa Barangay Don Galo Gym, Paranaque City sa Hunyo 7.