MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Palalakasin at pagkakaisahin ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang komunidad ng mga maralita sa pamamagitan ng pagbubuo ng Pederasyon ng mga Urban Poor kung saan papabilisin ang pagbaba ng mga serbisyo mula sa gobyerno lalo na ang mga proyekto at programa nito.

 

Nais ng PCUP, sa pamumuno ni Chairperson/ CEO Alvin Feliciano, na mas maisulong at mapaabot pa ang kanilang mga programa sa mga probinsiyang bihira lamang mabigyan ng mga serbisyo.

Nabatid mismo ni Chairman Feliciano ang mga reklamo gaya nang nalalayuan daw sila sa mga opisina o sa ibang mga programa na sa ibang lugar ginaganap ay huli na nilang nalalaman kaya hindi sila nakakapaghanda. Dahil dito naisip niyang magkaroon ng Urban Poor Federation kung saan mas mapapabilis ang komunikasyon ng PCUP sa mga maralita kada munisipalidad.

Sa planong ito, gusto ni Chairman Feliciano na makipag-ugnayan sa mga organisasyon, LGUs at lokal na pamahalaan ng mga probinsya para marinig ang kanilang mga suliranin o suhestiyon nang sa gayon, agarang mabigyan ng solusyon ito.

Nakikitaan ng PCUP na sa ganitong paraan mas maririnig ang boses ng masa at madaling maipapaabot ang mga programa ng gobyerno gaya ng mga serbisyong binibigay ng caravan ng PCUP.

Para sa Urban Poor Federation, nais ng PCUP na magkaroon ng kinatawan mula sa bawat Barangay na kokonekta sa munisipalidad ng bawat lungsod, hanggang sa national government nang maantabayan ng bawat kinatawan ang mga programang maaari nilang puntahan at makakuha ng serbisyo sa iba’t ibang aspeto. Ang bawat kinatawan din ang maaaring magparating ng ano mang isyu o mungkahi na makakatulong sa kanilang kabuhayan at kung anu-ano pa.

Tiyak sa hangarin ang PCUP na maipaabot ang lahat ng tulong sa mga maralita.

“Ilang taon na nilang hinihintay ang tulong ng gobyerno kaya narito ang PCUP para ihatid ito sa kanilang lahat,” ani Chairman Feliciano.

Sa kasalukuyan, sinisigurado ng PCUP ang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya lalo na sa mga lokal na pamahalaan ng bawat lugar para sa caravan nang mabigyan ang mga indibidwal na hindi pa nagkakaroon ng Birth Certificate o hindi pa rehistrado, mga batang kulang sa bitamina at mga senior citizen na mga wala pang-identification card.