MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Hindi pinalagpas ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang panahon ng tag-init at bakasyon upang mamigay ng libreng tuli sa mga kabataan ng Tangub City, Misamis Occidental. 

Tinatayang aabot sa 250 kabataan ang nabiyayaan ng libreng tuli sa Barangay II kasabay ng iba pang serbisyo tulad ng libreng medical at dental check-up, sa tulong ng DOH, PCSO, Philippine Army, at Philippine National Red Cross at libreng konsultasyon sa mata mula sa Robillos Eye Clinic at Pranic Healing sa isinagawang Caravan ng naturang ahensiya nitong nakaraang Biyernes, ika-26 ng Abril 2019.

Nagkaroon din ng job fair (local at international) sa kasagsagan ng nasabing Caravan mula sa DOLE, OWWA, POEA, at PESO; libreng enrollment sa mga Tech-Voc courses ng TESDA na may kasama ring libreng masahe at gupit; libreng legal assistance mula sa PAO; pagsasa-ayos ng Birth at Marriage Certificate pati na rin ng CENOMAR mula sa PSA; renewal ng driver’s license at pagkuha ng student permit mula sa LTO, at pamamahagi ng Senior Citizen ID mula sa DSWD/ CSSDO. 

Ayon kay PCUP Chairperson/ CEO Alvin S. Feliciano tinatayang aabot sa tinatayang 3,500 katao ang natulungan ng Caravan sa Tangub City at halos 17,000 katao naman simula nang ito’y magumpisa noong Pebrero 2019. 

“Natutuwa ako dahil muli na naman tayong nakatulong sa mga maralita nating kababayan. Sa ngayon, sinasamantala natin na walang pasok ang mga bata para magsagawa ng libreng tuli dahil yung Php 800 o higit pa na ipambabayad ng mga magulang para sa pagpapatuli ng kanilang anak ay pwede na nilang ipambili ng pagkain para sa kanilang pamilya,” ani Chairperson Feliciano. 

Dagdag pa nito, nakalatag na ang humigit-kumulang 40 urban poor communities sa buong Pilipinas ngayong 2019 para sa isasagawang Caravan upang ihatid ang malasakit ng gobyerno lalung-lalo na sa mga maralitang Pilipino. 

Ang naturang Caravan ay naisagawa sa tulong nina Commissioner Norman Baloro, Cynthia Rosales ng FOD Mindanao at Carlito Echavez, area coordinator ng nasabing lugar.

Samantala, magsasagawa naman ng kaparehong programa ang PCUP sa Hinigaran, Negros Occidental sa darating na Lunes, ika-29 ng Abril 2019 na gaganapin sa Hinigaran Plaza Covered Court. ###

1

2

3

4

56

7