Mahigit 1,000 kabataang job seekers ang nakinabang sa job fair na isa mga serbisyong handog ng PCUP Caravan sa Legazpi City kahapon mula sa mahigit-kumulang 2,500 kataong benepisyaryo ng nasabing programa.

Binuksan ng DOLE at PESO Legazpi City ang tinatayang 5,500 na job opportunities sa lokal at abroad mula sa 39 na kumpanyang nakibahagi sa Caravan. Halos 200 ang on-the-spot na nabigyan ng trabaho at kailangan na lamang magsumite ng mga dokumento upang makapagsimula na agad.

Ayon kay Regional Employment Focal Person ng DOLE Region V na si Emma Acuña, "Ang mga hindi matatanggap sa job fair ay bibigyan ng training sa pamamagitan ng TESDA para itugma ang kanilang skills sa hinahanap ng mga employer."

Dagdag pa ni Acuña, ang inisyatibong ito mula sa DOLE, PESO, TESDA at DTI ay tinatawag na TNKK o Trabaho, Negosyo, Kabuhayan, Kasanayan na layuning bigyan ng solusyon ang underemployment at unemployment rate sa nasabing rehiyon at para na rin iwasan ang tinatawag na “job mismatch”.

Bukod dito, inihain din ng TESDA sa PCUP Caravan ang 1,501 free scholarship sa tech-voc programs na may kasamang allowance na P60.00 kada araw. Samantala, nagbigay naman ng libreng gamot, medical at dental services ang Albay Provincial Health Office, AFP, PNP, DOH at PCSO; libreng payong legal mula sa PAO; at access sa livelihood at small business loans mula sa DTI.

Naroon din ang serbisyo ng PSA at Local Civil Registry para sa pagpoproseso ng birth, marriage, CENOMAR at death certificates; ang LTO para sa kanilang e-mobile patrol services, renewal ng lisensya at application ng student permit. Nagbigay naman ng orientation ang POEA at OWWA tungkol sa karapatan at kung paano makakaiwas sa illegal recruitment ang mga kababayan nating OFW; at ang DSWD para sa pagtalakay ng kanilang iba’t ibang pro-poor programs tulad ng 4Ps at Sustainable Livelihood Program (SLP).

Ayon kay PCUP Chairperson/CEO Alvin S. Feliciano, "Nagsilbing tulay ang PCUP upang mapagsama-sama ang lahat ng ahensya ng pamahalaan upang magbigay ng serbisyo sa mga kapus-palad nating mga kababayan sa Legazpi."

Ang nasabing Caravan ay naisagawa sa tulong ng FOD-Luzon at ni Victor Allan Ilagan, Area Coordinator ng nasabing lugar.

Legazpi 1

Legazpi 2

Legazpi 3

Legazpi 4