Isang residente ng Cabuyao, Laguna, first time nabigyan ng libreng check-up dahil sa programa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).

Sa kauna-unahang pagkakataon ay masayang nakatanggap ng libreng check-up si Nanay Belen Toledo, 55 taong gulang na residente ng Southville 1, Barangay Marinig, Cabuyao, Laguna mula sa PCUP caravan na ginanap sa covered court ng nasabing lugar.

 

Kasama ng kanyang apo, maaga pa lamang ay pumila na si Nanay Belen sa isinagawang medical mission ng PCSO at City Health na isang medical team ng lokal na pamahalaan ng Cabuyao, Laguna upang makatanggap ng serbisyong medikal at libreng gamot mula sa mga ito na hatid ng PCUP sa kanilang lugar.

Mahina na ang pangangatawan ni Nanay Belen kaya't hindi na niya kaya pang magtrabaho. Sa ngayon, nagtitinda ang kanyang asawa ng mga kamote at balinghoy na kumikita lamang ng 200 piso kada-araw na kanilang pinagkakasya sa mga gastusin nila sa bahay.

Labis-labis naman ang kaniyang tuwa at pasasalamat dahil ito ang unang beses na nabigyan siya ng libreng check-up at mga gamot. Malaking tulong ito para sa kanya dahil wala siyang sapat na pera pantustos sa kanyang pagpapagamot.

“Gusto ko sanang magpakonsulta sa doktor at magpagamot dahil lagi akong nahihilo, sumasakit ang dibdib at inuubo pero wala naman akong pambayad,” pahayag ni Nanay Belen.

"Lubos akong nagpapasalamat sa PCUP dahil kahit paano ay natulungan ako sa aking mga nararamdaman. Sana ay tuloy-tuloy po ang inyong pagtulong sa mga katulad ko", dagdag pa niya.

Samantala, magpapatuloy ang PCUP sa pagbababa ng iba't ibang serbisyo sa mga maralitang mamamayan sa tulong ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan at ilang mga pribadong kumpanya. Ito ay bilang parte ng kampanya ng ahensya na maging 'proactive' at mag- abot ng tulong direkta sa taong- bayan.