Tacurong City - Nasa 243 na informal settler families (ISF) na nakatakdang idemolish sa ilalim ng court order, mabibigyan ng maayos na lilipatan sa tulong ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).

Sa isinagawang Pre-Demolition Conference (PDC) ng naturang ahensya noong nakaraang taon, napagkasunduan ng may-ari ng lupa na pansamantalang iantala ang demolisyon upang maihanda ang mga apektadong pamilya sa kanilang relokasyon.

Dito'y nabigyan ng pagkakataon ang PCUP na iorganisa ang mga ISF na ngayo'y tinatawag na "Sariling Atin Homeowners Association, Inc. of Tacurong City" at mailapit sa lokal na pamahalaan at sa Social Housing Finance Corporation (SHFC) para sa Community Mortgage Program o CMP.

Ang naturang programa ay may layuning tulungan ang mga maralitang samahan na makabili ng sariling lupa sa pamamagitan ng pautang ng gobyerno.

Nito lamang Hunyo 14, inilabas ng SHFC ang letter of guaranty na nagsasaad na bibilhin ng nasabing ahensya ang 47,846 sqm na lote para sa Sariling Atin Homeowners Association sa halagang 21 milyong piso. Ang lupang na gagawing relokasyon ng mga ISF ay katabi lamang ng kanilang aalisang lugar.

Ayon kay PCUP Chairperson/CEO Alvin Feliciano, “Hangad natin sa PCUP na matulungan ang mga maralita na makakuha ng maayos na lilipatan. Nasa kautusan rin ng ating Pangulo na masigurong walang demolisyon kung walang relokasyon sa mga kapuspalad."

Dagdag pa nito, sa pamamagitan ng PDC ay masisigurado ng naturang ahensya na naaayon sa batas ang lahat ng gagawing pagpapaalis sa mga underprivileged and homeless citizens sa bansa.