MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Nakinabang ang halos 3, 000 katao matapos magsagawa ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ng caravan sa resettlement site ng Southville 9, Baras, Rizal noong Biyernes (Hunyo 12).

Layunin nito na maipaalam sa mga relocatees ang programa ng pamahalaan na maaari nilang mapakinabangan at magpaabot na rin ng tulong sa medikal at dental, trabaho at negosyo, edukasyon, at iba pang kailangan sa kanilang lugar.

"Ang dami pong programa ng gobyerno at ang dami ring pera ng gobyerno pero hindi alam ng tao. Kaya nga po sa PCUP, inilalapit namin sa inyo ang mga serbisyo at proyekto ng gobyerno," ani PCUP Chairperson/CEO Alvin Feliciano sa kanyang talumpati.

Kabilang sa mga naging katuwang na ahensiya ng PCUP ay ang National Food Authority (NFA) na nagbenta ng bigas sa halagang 27 piso lamang kada kilo kumpara sa mga lokal na pamilihan.

Isinabay na rin sa Caravan ang pamamahagi ng P 18,000.00 financial assistance ng DILG Interim Shelter Fund sa mahigit 107 kwalipikadong pamilya na relocatees ng Rizal.

Ilan pa sa mga serbisyong inihaatid ng Caravan ay libreng medical check-up at ECG, dental check-up at may libreng gamot mula sa PCSO at pamahalaang lokal. Libreng masahe, gupit at scholarship sa tech-voc programs ang inihain ng TESDA sa mga relocatees.

Ang SSS naman ay nagsagawa ng orientation ukol sa kanilang programa gaya ng pag-apply ng loans, pension at remittances, DSWD naman para sa oryentasyon nito sa kanilang pro-poor programs, DTI para sa livelihood opportunities, PAO para sa libreng legal consultation, DOLE at PESO para sa job fair.

Ayon kay Feliciano, target ng ahensya na magsagawa pa ng halos 50 Caravan sa buong bansa hanggang matapos ang taon upang tiyakin na mapaabot ang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangang komunidad.

Samantala, ang susunod na Caravan ay gaganapin sa Maasin City, Southern Leyte sa Hulyo 18.