MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Tinatayang aabot sa 100,000 mahihirap na pamilya na ang natulungan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at National Food Authority (NFA) na magkaroon ng abot kayang bigas sa mga resettlement sites.

Halos kalahati ng presyo ng bigas sa merkado ang inihatid ng mga naturang ahensya sa mga relocation sites sa Luzon at NCR. Nasa P27.00 lamang ang bigas kada kilo kumpara sa P38.00 – P50.00 kada kilo ng commercial rice.

Ayon kay Rhinelan Lachica, Head ng Resettlement Unit ng PCUP, 2,000 katao ang target na benepisyaryo ng programa na "Tagpuan" at kada pamilya ay nakakabili ng tiglilimang kilong bigas sa halagang P 135.00 lamang. 

Noong Hulyo 14, kasabay ng serbisyo Caravan ng PCUP, dinumog ng mga residente ng Southville 9, Baras, Rizal ang nasabing programa at humigit kumulang 2,000 pamilya ang nakinabang. Nasa 10,000 kilong bigas ang tinatayang naipamahagi sa naturang Caravan.

“Libo-libo na sa ating urban poor families sa resettlement site ang nagpapasalamat sa patuloy na pagtugon ng NFA sa paghahatid ng abot-kaya at murang bigas,” ani Lachica.

Simula noong nailunsad ang Tagpuan noong Oktubre 2018, halos 50 beses nang bumababa ang naturang programa sa iba't ibang relocation site sa bansa at ang ilan ay nabalikan pa.

Ayon kay PCUP Chairperson/CEO Alvin Felicinao, "Isa rin ito sa mga naiisip na paraan ng ating ahensya na sa tulong ng NFA makatutugon tayo sa Zero Hunger ng ating Pangulong Duterte sa urban poor areas."  

Sa kasalukuyan, ang Tagpuan at tatlong priority programs ng PCUP ay kabilang sa mga hakbang ng PCUP na naglalayong maibsan ang kasalatan sa pagkain ng mga mahihirap bilang miyembro ng binuong Inter-agency Task Force Against Hunger.