MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Sa naganap na caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na isinagawa nito lamang Biyernes (Setyembre 6) sa Covered Court MRB Compound Pilot Area, Barangay Commonwealth, Quezon City, isang biktima ng polio ang binigyang serbisyo ng PCUP kasama ang kaniyang mga anak partikular sa tulong medikal gaya ng libreng konsulta at gamot.

 

Sa kabila ng mahirap na kondisyon, hindi nagpatinag sa sakit na polio si Mang Anecito Sagun, isang 40- taong gulang na residente ng Barangay Commonwealth, Quezon City upang idulog ang kanyang dalawang anak na may sakit din.

Dala ng kalagayan niya at hirap sa paglalakad, nahihirapan si Mang Anecito na maghanap ng trabaho kaya naman ay wala siyang permanenteng pinagkukunan ng kita sa ngayon. Wala rin trabaho ang kanyang asawa kaya naman, madalas siyang mangutang ng pera sa kanyang mga kapitbahay para lamang may maipantustos sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya gaya ng pagkain, gamot, at matrikula ng kanyang dalawang nag-aaral na anak.

Sa kanyang kagustuhan na makakuha ng iba’t ibang serbisyo at benepisyo para sa mga tulad niyang may kapansanan, hindi siya nag-atubiling pumunta sa nasabing caravan.

Nalaman ni Mang Anecito ang tungkol sa PCUP caravan na magaganap sa kanilang lugar sa pamamagitan ng facebook at sobrang saya niya dahil sa tagal ng panahon ay mabibiyayaan na rin ang kanilang lugar ng mga serbisyo ng gobyerno, sa pangunguna ng PCUP.

Ayon sa kanya, “Naging maayos naman at maganda ang aming pagpunta dito sa PCUP caravan kasama ang mga anak at asawa ko dahil kahit papaano ay malaking tulong din ito sa tulad namin na mga mahihirap at may kapansanan.”

“Minsan lang mangyari ang mga programang tulad nito dito sa amin kaya’t hindi na namin pinalampas ang pagpunta”, dagdag pa niya.

Samantala, tuloy- tuloy pa rin na magsasagawa ang PCUP ng ganitong klaseng programa para sa mga maralitang Pilipino sa tulong ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang maiangat ang antas ng mga mahihirap na kababayan mula sa kahirapan.