MENU
  • 1 of 3 PCUP Caravan
  • 2 of 3 PCUP Privilege Card
  • 3 of 3 PCUP Adopt a Community

Bumuhos ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa humigit-kumulang 3,000 kababayan natin sa Tondo dahil sa isinagawang Caravan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) nitong ika-15 ng Marso taong kasalukuyan.

Ang nasabing Caravan na ginanap sa Covered Court ng Barangay 105, Zone 8, District I, Maginoo Street, Tondo, Manila ay nagsilbing one-stop-shop upang matugunan ang pangangailangan ng mga maralitang Pilipino sa kalusugan, trabaho, edukasyon, legal services, driver’s license, at iba pa. 

Ayon kay PCUP Chairperson/ CEO, Alvin S. Feliciano, katuwang nito ang iba’t ibang national government agencies tulad ng: Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Public Attorney’s Office (PAO), Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), at Land Transportation Office (LTO).

“Mapalad ang mga taga-Tondo dahil ito ang kauna-unahang Caravan na isinagawa ng PCUP sa Metro Manila. Nauna na pong nagpunta ang PCUP sa General Santos City at Calbayog City na kung saan, aabot sa halos 5,000 hanggang 7,000 katao na ang kabuuang dumalo at nabiyayaan ng iba’t ibang serbisyo ng gobyerno,” ani Feliciano. 

Dagdag pa ni Feliciano, nailatag na ang mga schedule ng naturang Caravan para sa taong 2019 at magkakaroon pa ng dalawang Caravan ngayong buwan sa Kalibo, Aklan sa darating na ika-21 (Huwebes) at sa Mati City, Davao Oriental naman sa ika-29 (Biyernes). 

Inaasahan namang magkakaroon na ng Memorandum of Agreement (MOA) ang PCUP sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na tumulong at tutulong sa PCUP Caravan upang magkaroon na ng legal na kasunduan sa pagitan ng mga ito. 

Ang isinagawang Caravan ay naging matagumpay sa tulong ng FOD-NCR at nina Marlou Mabini at Mary Gene Agoncillo, Area Coordinators ng naturang lugar.