31 Mayo 2021

PCUP, TUMULONG SA REKLAMO NG BIKTIMA NG DEMOLISYON SA CALOOCAN

Tinulungan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), sa pangunguna ng Legal Team ng komisyon, ang biktima ng demolisyon na nagsampa ng reklamo laban sa Carmel Development Inc. (CDI) dahil sa sinasabing illegal na paggiba sa kanilang bahay sa Pangarap Village, North Caloocan City.

Ayon sa salaysay ng biktima, nangyari ang naturang demolisyon noong May 7 pasado alas-10 ng umaga kung saan dalawang tauhan na nagpakilalang mula sa CDI ang naroon nang mangyari ang pagpapaalis na sila ring nanguna sa pagdedemolish.

Giit ng may-ari ng ginibang bahay, wala umanong court order na ibinaba sa kanya bago pa man ang demolisyon kaya’t panay ang pagpigil niya rito. Sa kabila nito, hindi pa rin naawat ang mga tauhan ng CDI at patuloy na pinagsisira ang bahay.

Bunsod ng pagpapatuloy ng aktibidad at nagaganap na komosyon, dito na umawat ang mga area coordinator mula sa PCUP na naroon din sa lugar. Paliwanag ng mga ito, kailangang dumaan sa legal at tamang proseso ang pagpapatupad ng anumang demolisyon at ebiksyon na may basbas ng hukuman. Isa rin ang Pre-Demolition Conference (PDC) sa mga kailangang pagdaanan bago pa man magpatuloy ang isang demolisyon at nararapat din na masigurong may sapat na financial assistance at relokasyon ang mga pamilyang maaapektuhan nito.

Sa dagdag naman na pahayag ng nasabing biktima, wala siyang tinanggap na kahit anong assistance o tulong mula sa CDI dahil nangangahulugan lamang ito na pumapayag siyang mademolish ang kanyang tirahan. Buo rin umano ang kanyang loob na sampahan ng kaso ang CDI dahil sa walang habas nitong pagde-demolish sa kanyang bahay.

Napag-alamang isa lamang ang kaso na ito sa napakaraming aktibidad ng demolisyon na nangyari sa lugar. Matatandaan na kaliwa’t kanang mga reklamo na rin ang natatanggap ng PCUP mula sa mga taga-Pangarap Village kaugnay sa patuloy na paninira at pangwawasak ng mga kabahayan doon.

Sa naging pahayag naman ni PCUP Chairman Alvin Feliciano, sinabi niya, “Handa po ang PCUP na asistehan ang mga maralitang tagalungsod na residente ng Pangarap Village sa kanilang laban para sa paninirahan. Sisiguruhin po ng aming ahensya na nakasusunod sa ligal at wastong proseso ang kahit na anong aktibidad ng demolisyon at ebiskyon sa bansa at matiyak na hindi natatapakan ang mga karapatan ng ating maralitang tagalungsod.”

“Ayon sa atas ng ating gobyerno at ng IATF, manatili tayo sa ating kanya-kanyang tirahan upang maiwasan at malabanan ang pagkalat ng COVID-19, ngunit paano makakapag-stay at home ang isang maralita kung wala na siyang bahay? Kaya naman, kami sa PCUP, ay handang magbigay ng legal assistance sa lahat ng mga maralitang tagalungsod na humaharap sa banta ng demolisyon at ebiksyon,” dagdag pa niya.

Tiwala ang PCUP na ang isyu at reklamong ito ay agad tutugunan ng Office of the City Prosecutor ng Caloocan nang sa gayon ay magkaroon na ng kapanatagan ang mga residente ng Pangarap Village at matigil na rin ang nangyayaring demolisyon sa lugar.

Samantala, kamakailan lamang ay nagpadala na rin ng liham kay Solicitor General Jose C. Calida si Usec. Feliciano upang hilingin ang posible sanang “cancellation of title and reversion” laban sa CDI.

Kasalukuyan namang hinihintay ng PCU pang tugon ng OSG sa ipinadalang sulat gayundin ang rekomendasyon nito upang magpatuloy na ang kaso. ###

via | Benedict Abaygar Jr. | Pilipino Mirror