Aktibong tutulong ang Presidential Commission for the  Urban Poor (PCUP)   sa  programa  ng  gobyerno  na  bahain  ng  murang  bigas  ang  merkado para gumaan ang gastusin ng maralita at mas mailaan ang natitirang panggastos sa iba pang pangangailangan.

 

Sang-ayon si PCUP Chairman at CEO Alvin Feliciano kaugnay sa kautusan ng Malacañang sa National Food Authority (NFA) na palakasin ang suplay ng NFA rice sa pamilihan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa opisyal,  sa  pamamagitan  ng  kanilang programa  na, "NFA  Tagpuan"   ay   nabibigyan  ng   sapat  na  access   ang  mga  mahihirap  na residente na makabili ng bigas sa mas murang halaga.

Ipinahayag ni Chairman Feliciano na kabilang sa mga nakinabang sa proyekto ay ang mga residente o urban poor sa mga Relocation sites sa Luzon, kabilang na ang Metro Manila.

Ang bawat pamilya sa naturang komunidad ay pinayagang makabili ng hanggang sa tig-limang kilo ng NFA rice sa halagang 27-piso lamang kada kilo.

Sobrang ikinatuwa ni Chairman Feliciano ang programang ito dahil isang malaking tinik sa mga maralita ang makabili ng bigas para sa pang araw-araw. At dahil sa NFA Tagpuan Project, mahigit 10,000 urban poor families ang nakinabang at naambunan ng murang bigas.

Ang pagsuporta sa proyektong ito ay bilang ambag ng PCUP sa ‘Zero Hunger’ Program ng administrasyon ni Pangulong Duterte.