PCUP FODL, nagpatawag ng PDC sa Magalang, Pampanga
02 Mayo 2022
Muling nagpatawag kamakailan ng isang Pre-Demolition Conference (PDC) sa Magalang, Pampanga ang PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL).
Base sa naging resulta ng PDC, ang pitong apektadong pamilya ay nakipagkasundo sa may -ari ng lupa hinggil sa pagbili ng loteng kinatitirikan ng kanilang kabahayan. Samantala, nakahanda naman ang Lokal na Pamahalaan ng Magalang at ang NHA – R3 na magbigay ng relocation assistance sa isa pang apektadong pamilya na hindi napagbigyang mabili ang lupang tinitirhan nito.
Ani PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano, layuninn ng PDC na pangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga maralitang pamilya na humaharap sa mga kaso ng demolisyon at ebiksyon sa bansa alinsunod sa RA 7279 o ang Urban Development and Housing Act (UDHA). ###
via | PCUP Luzon
'MALIGAYANG ARAW NG MANGGAGAWA!'
01 Mayo 2022
Maligayang Araw ng mga Manggagawa!
Isang mataas na pagsaludo sa lahat ng mga masisipag na manggagawang Pilipino sa buong mundo! Nawa'y ang inyong pagsisikap sa trabaho ay magbunga ng mas maunlad at marangal na pamumuhay.
Pagbati mula sa Presidential Commission for the Urban Poor! ###
Leadership Training, isinagawa ng PCUP FODL sa Olongapo, Zambales
29 Abril 2022
Kamakailan lamang ay nagsagawa ng isang Leadership Training ang PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) na dinaluhan ng mga opisyales at kasapi ng Samahang Pinagpalang Komunidad sa Olongapo, Inc. na isang maralitang samahan mula sa Sitio Iram, New Cabalan, Olongapo, Zambales.
Personal na pinangunahan ni PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano ang nasabing programa na tumalakay sa mga pangunahing serbisyo, programa, at mandato ng Komisyon na may layuning mas palakasin ang sektor ng mahihirap.
Dito ay ibinahagi ng PCUP sa mga dumalo ang kahalagahan ng maayos na pamumuno upang matiyak ang tagumpay ng mga programa ng samahan. Tinalakay rin ang mga katangian ng isang mahusay na namumuno para sa ikauunlad ng kanilang samahan. Nagkaroon din ng mga group dynamics upang ma-assess ang antas ng galing at kaalaman ng mga kalahok ukol sa tema ng pagsasanay. ###
via | PCUP Luzon
PCUP FODL, nagsagawa ng ocular, interview sa mga apektado ng Writ of Demolition sa Del Gallego, CamSur
28 Abril 2022
Nagsagawa ng ocular inspection at kinapanayam ng PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) ang maaapektuhang pamilya ng isang Writ of Demoltion sa Brgy. Domagondong, Del Gallego, Camarines Sur noong Abril 22.
Ayon kay PCUP Chairperson at CEO, USec. Alvin S. Feliciano, ito ay upang siguruhin na natututukan ang karapatan at kapakanan ng mga “underprivileged and homeless citizen” na apektado ng kaso ng demolisyon at ebiksyon alinsunod sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) of 1992.
Sa naging panayam sa mga apektadong pamilya, hiniling ng mga ito na mabigyan na lamang sila ng bahagi ng lupang pinagtatalunan sapagkat ito na rin ang bumubuhay sa kanila sa pamamagitan ng pagsasaka. Ipaliwanag naman ng Komisyon ang proseso ng Pre-Demolition Conference (PDC) nang sa gayon ay higit na maunawaan ang layunin at parte ng PCUP pagdating sa usapin ng kaso sa lupa. ###
via |PCUP Luzon
DMO and PEO Forum 2022 ng PCUP, isinagawa
28 Abril 2022
Naging masigla at makabuluhan ang pag-uumpisa ng “Development Management Officers (DMOs) and Project Evaluation Officers (PEOs) Forum 2022” noong Abril 25 ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).
Sa unang araw ng aktibidad, isang oryentasyon ukol sa Alternative Dispute Resolution (ADR) ang ibinahagi nina Atty. Irene de Torres Alogoc—Director V ng Office for Alternative Dispute Resolution at ni Atty. Ali Loraine V. Manrique—Attorney V and OIC – Director for Training, Accreditation, and Promotion Service ng OADR.
Nagkaroon din ng isang open forum upang bigyang pagkakataon ang mga PCUP employees na maglatag ng kanilang mga katanungan ukol sa nasabing paksa.
Nagbigay naman ng kaniyang mensahe si PCUP Commissioner Norman B. Baloro na nagpasalamat sa lahat ng mga naging ambag at kontribusyon ng mga kawani ng Komisyon para tulungan ang sektor ng maralita na maiangat ang kanilang antas ng pamumuhay.
Sa pagpapatuloy ng programa, isa ring talakayan hinggil sa Pre-Demolition Conference (PDC) Guidelines ang isinagawa na pinangunahan ni Mr. Christian Gabriel Cruz mula sa PCUP Legal Unit. Dito ay ibinahagi ng mga PCUP area coordinators ang kanilang mga concerns patungkol sa pagsasagawa ng PDC patikular na ang mga proseso nito.
Samantala, sa ikalawang araw naman ng aktibidad, nagbigay ng kaniyang mensahe si PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano at binigyang pagkilala ang lahat ng mga PCUP employees na nagsilbing instrumento upang higit na maisakatuparan ang mga layunin at mithiin ng Komisyon alang-alang sa mga maralitang tagalungsod.
Nagbahagi rin ng kani-kanilang mga mensahe ng pagbati at pasasalamat ang mga Commissioners ng Komisyon na sina Commissioner Romeo H. Jandugan at si dating PCUP Commissioner na ngayon ay isa na sa mga Director ng DHSUD Randy H. Halasan. Buong puso nilang pinasalamatan ang mga empleyado ng PCUP dahil sa hindi matatawarang pagsisikap ng mga ito para ibaba ang mga programa at serbisyo ng PCUP sa mga maralitang tagalungsod sa buong panig ng bansa.
Kasabay nito ay isa ring soft launching ng PCUP Coffee Table Book ang naisakatuparan sa pamamagitan ng isang audio-visual presentation. Tampok dito ang mga nagawa o accomplishment ng Komisyon at mga success stories sa loob ng apat na taon simula 2018 hanggang 2021.
Bukod dito, nagkaroon din ng Solidarity Activity na kung saan ay binigyang pagkilala ang mga opisyales ng PCUP na sina Usec. Alvin S. Feliciano gayundin ang mga PCUP Commissioners na sina Comm. Norman B. Baloro, Comm. Romeo H. Jandugan, Comm. Melvin P. Mitra, at dating PCUP Commissioner Randy H. Halasan dahil sa kanilang mga programa at proyektong nailunsad para sa kapakinabangan ng mga maralitang tagalungsod.
Ang naturang aktibidad ay opisyal na nagtapos kahapon, Abril 27. Umaasa naman ang buong pamunuan ng PCUP na ang lahat ng mga bagong kaalaman at mga natutunan ng mga PCUP employees mula sa naganap na programa ay makatutulong nang malaki upang higit na makapagbigay ng angkop at dekalidad na mga serbisyo sa mamamayang Pilipino. ###