PCUP, tumanggap ng donasyon sa P&G para sa Mini-Caravan
28 Hunyo 2022
Tumanggap ng mga donasyong aabot sa 200 kahon ng JOY dishwashing liquid at 100 kahon ng Safeguard handsoaps mula sa Procter and Gamble Philippines, ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pamamagitan nila Ms. Yvelyn Moraña at Ms. Danica De Guzman, nitong Hunyo 23 na siyang gagamitin at ipamamahagi ng Komisyon sa isasagawa nitong 16 PCUP Mini-Caravans sa mga darating na araw.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Komisyon, sa ilalim ng liderato ni PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano patungo sa mga ahensya ng pamahalaan gayundin sa mga pribadong sektor upang makipagtulungan na magbigay ng mga serbisyong kapaki-pakinabang sa mga maralitang tagalungsod.
Lubos naman ang pasasalamat ng Komisyon sa P&G dahil malaking tulong ang mga natanggap nitong mga donasyon para sa mga lalahok sa caravan. ###
GAD seminar, isinagawa ng PCUP FODL sa Tanza, Cavite
28 Hunyo 2022
Matagumpay na naisagawa ang isang Gender and Development seminar ng PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) para sa mga lider-maralita ng iba’t ibang urban poor organizations (UPOs) ng Tanza, Cavite nitong Hunyo 28.
Itinuro ng Komisyon sa mga lider ang pagbibigay importansya sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at gampanin ng kalalakihan at kababaihan sa komumidad upang maiwasan ang posibleng diskriminasyon at panghahamak sa kapwa-tao dahil sa usaping ng kasarian. Nagbigay din ng oryentasyon tungkol sa mga batas na may kinalaman sa kasarian gaya ng RA 9710 o Magna Carta for Women, RA 9262 o Violence Against Women and their Children, at RA 11313 o Safe Spaces Act.
Gayundin, ibinahagi rin sa diskusyon ang usapin ng SOGIE Equality Bill.
Bukod dito, ipinakilala rin ng PCUP ang mga programa at serbisyo nito para sa mga maralitang tagalungsod at hinikayat nito ang mga ito na magpa-akredit pa ang ilan sa mga miyembrong asosasyon ng Urban Poor Federation ng Tanza.
Nagpaabot naman ng suporta ang Tanza-LGU sa pamamagitan ng Hon. Manuel Mintu, Jr. na siyang Punong Barangay ng Bagtas. ###
via | PCUP Luzon
PCUP FODL, nagsagawa ng CBP on Understanding and Managing Conflict sa Albay
28 Hunyo 2022
Nagsagawa ang PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) ng isang Capability Building Program (CBP) na may temang Understanding and Managing Conflict para sa iba’t ibang urban poor organizations (UPOs) mula sa Legazpi City, Albay nitong ika-27 ng Hunyo.
Isa sa layunin ng Komisyon, sa ilalim ng pamumuno ni PCUP Chairperson and CEO, Usec. Alvin S. Feliciano, ay maibaba ang mga ganitong programa at serbisyo sa maralitang tagalungsod upang makapagbahagi ito ng kaalaman ukol sa iba't ibang mekanismo sa negotiation at mediation para sa pag-aayos ng mga sigalot sa kani-kanilang pamayanan.
Ibinahagi rito ang paggamit ng ‘non-adversarial communication’ o tinatawag na ‘language of compassion’ at matapos ay nagbahagi ang mga ito ng kani-kanilang karanasan ukol sa mga sigalot sa kanilang komunidad, pamilya o kapitbahayan at kung paano magagamit ang kanilang natutuhan sa mga ganitong suliranin. Nagkaroon din ng role playing at dramatization upang lalong maunawaan ang konsepto ng conflict management.
Hinikayat naman ng Komisyon na magpa-akredit ang samahan na nagsipagdalo upang maipakilala nito ng lubos ang programa at serbisyo na maari nilang maakses at maging sa iba pang ahensya ng pamahalaan na maaring tumugon sa kanilang pangangailangan. ###
via | PCUP Luzon
PCUP FODL, naglunsad ng CBP on Livelihood Training sa Sual, Pangasinan
28 Hunyo 2022
Inilunsad ng PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) ang Capability Building Program on Livelihood Training na kung saan ay nagbigay ng kasanayan ukol sa dishwashing liquid soap making para sa 32 urban poor leaders mula sa Sual, Pangasinan.
Isa sa layunin ng Komisyon, sa pangunguna ni PCUP Chairman at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano na bigyang pagkakataon ang mga maralitang tagalungsod na magkaroon ng sariling mapagkakakitaan kung kaya’t ang Komisyon ay patuloy na nagbababa ng mga livelihood programs na makapagbibigay ng kaalaman at kasanayan.
Bukod pa sa aktwal na demonstrasyon sa paggawa ng dishwashing liquid, tumanggap din ang mga dumalo ng starter kits na naglalaman ng mga kagamitan at sangkap bilang capital o panimula sa pag-uumpisa ng kanilang munting negosyo.
Matagumpay naman na naisagawa ang programa sa pakikipag-ugnayan na rin ng Komisyon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Sual. ###
via | PCUP Luzon
CBP on Organizational Management, UDHA inihatid ng PCUP FODL sa Isabela
28 Hunyo 2022
Naghatid ang PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) ng Capability Building Program on Organizational Management at Introduction to UDHA of 1992, sa mga maralitang tagalungsod mula sa Purok 8, San Fermin, Cauayan, Isabela.
Ani ng mga kasamahan, dati silang naninirahan malapit sa palengke bago sila i-relocate ng Cauayan City–LGU sa kasalukuyan nilang komunidad sa Purok 8 kung kaya’t mahalaga sa kanila ang naturang pagsasanay upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman kaugnay ng kanilang mga karapatan at pagtatatag ng isang epektibong samahan na kakatawan sa kanilang mga mithiin.
Tinalakay din sa kanila ang mga pangunahing kaalaman kaugnay sa basic principles of leadership, types of organization, at UDHA. ###
via | PCUP Luzon