PCUP FODL, nagpatawag ng PDC para sa 7 kaso ng ebiksyon sa Cabuyao, Laguna
20 Abril 2022
Muling nagpatawag ang PCUP – Field Operations Division for Luzon (FODL) ng Pre-Demolition Conference (PDC) noong ika-18 ng Abril para sa pitong magkakahiwalay na kaso ng ebiksyon sa Brgy. Mamatid, Cabuyao, Laguna upang masiguro na ang mga kundisyon at napagkasunduan sa naunang PDC ay nabigyang-tugon.
Sa kabuuan ng PDC, dalawang pamilya sa nasabing kaso ang nagkaroon na ng kasunduan kung saan ang mga apektadong pamilya ay kusang-loob na nilisan ang subject property kapalit ng financial assistance mula sa plaintiff. Nakahanda namang magbigay ang Lokal na Pamahalaan ng Cabuyao ng financial assistance sa dalawang apektadong pamilya. Napag-alaman naman na mayroong dalawang pamilya na hindi kwalipikado para makatanggap ng mandatory assistance base sa isinagawang re-validation ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO). Samantala, nakatakdang magsagawa ng assessment ang CSWDO sa nalalabi pang isang kaso.
Binigyang diin naman ng PCUP na alinsunod sa layunin ng PDC, tinitiyak nito na naisasaalang-alang ang karapatan ng mga maralita partikular ang probisyon ng relokasyon o ‘di kaya’y financial assistance katumbas ng prevailing minimum wage alinsunod sa isinasaad sa Section 28 ng Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). ###
via | PCUP Luzon
PCUP FODV, nakiisa sa CMP meeting sa Antique
18 Abril 2022
Isang pulong kasama ang Antique Housing Office ang dinaluhan ng PCUP – Field Operations Division for Visayas (FODV) ngayong araw, Abril 18 na kung saan tinalakay ang tungkol sa negosasyon at updates ng status para sa mga proyekto sa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP) kabilang na ang pag-accredit sa San Roque Hurao2x Fishing HOAI.
Ani PCUP Chairperson at CEO, USec. Alvin S. Feliciano, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCUP sa mga lokal na pamahalaan at sa mga ahensya ng gobyerno upang magsulong ng mga programa at inisyatibang makatutulong sap ag-unlad ng pamuimuhay ng mga maralitang tagalungsod.
Naging kabahagi rin sa pulong ang mga miyembro ng urban poor organization (UPO), may-ari ng lupa, mobilizer, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at ang Social Housing Finance Corporation (SHFC). ###
via | PCUP Visayas
PCUP ResU, nagsagawa ng konsultasyon sa Rizal para sa magiging SLP beneficiaries sa lugar
18 Abril 2022
Nagsagawa ng magkahiwalay na konsultasyon noong Abril 6, ang PCUP Resettlement Unit kasama ang PCUP Project Development and Resource Mobilization Unit sa mga naging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD mula sa Southville 10 at East Shine Residence ng Brgy. Plaza Aldea, Tanay, Rizal. Dito ay nasa 22 benepisyaryo ang lumahok sa nasabing aktibidad.
Sa pagsisimula ng gawain, masiglang naikuwento ng mga benepisyaryo na malaking tulong para sa kanila ang financial assistance na natanggap para sa pagsisimula ng negosyo. Kinumusta na rin ng PCUP ang kalagayan ng mga ito matapos maka-avail ng naturang programa.
Kung matatandaan, nagsimula ang pamamahagi ng SLP noon pang Hulyo 2021 sa pangunguna ng PCUP at ng DSWD Region IV-A Office. ###
via | PCUP Resettlement Unit
PCUP ResU, naghatid ng DRRM seminar sa Laguna
18 Abril 2022
Naghatid ng isang seminar ukol sa Climate Change Adaptation and Mitigation - Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) ang PCUP – Resettlement Unit noong ika-11 at 12 ng Abril para sa 82 residente ng Southville 3A, Barangay San Antonio, San Pedro City, at Southville 5, Barangay Timbao, Biñan City katuwang si Ms. Melizza Tipan mula Local Housing Office, gayundin sina Ms. Ariane Mae Candara at Mr. John Denver C. Pascual ng National Housing Authority (NHA) kasama ang mga kawani ng mga pamalaang lokal ng San Pedro at Biñan.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano na patuloy ang pagsisikap ng Komisyon upang maghatid ng mga angkop at dekalidad na serbisyo alang-alang sa mga maralitang tagalungsod.
Naging tagapagsalita sa naturang programa si Mr. Jericho Adolfo ng Disaster Risk and Reduction Management Office na tumalakay sa nasabing paksa. ###
via | PCUP Resettlement Unit
PCUP, nakipagkamustahan sa mga SLP beneficiaries sa Baras, Rizal
18 Abril 2022
Nakipagkumustahan ang PCUP – Resettlement Unit (ResU) at Development and Resource Mobilization Unit sa 57 indibidwal na naging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong ika-5 ng Abril sa Multi-Purpose Livelihood Center ng Southville 9, Phase 3, Barangay Pinugay, Baras, Rizal.
Masayang ibinalita ng mga nasabing benepisyaryo ang kabutihang naidulot sa kanila ng P15,000 pesos financial assistance para sa napili nilang kabuhayan.
Matatandaan na sinimulang ipamahagi ang tulong pinansiyal noong Hulyo 2021 sa pangunguna ng PCUP at ng DSWD Region IV-A Office.
Samantala, nagkasundo ang mga benepisyaryo na bumuo ng isang samahan na magbubuklod sa kanilang iisang layunin na mapalago ang negosyong kanilang nasimulan sa tulong at patnubay ng PCUP. ###
via | PCUP Resettlement Unit